Isa pang idinawit sa pagkasawi ng law student, sumuko; pero may 'excuse'

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 10:15 PM

- Nasa ospital umano ang sumukong lalaki nang panahong sumailalim sa hazing si Horacio Castillo III
- Ipinag-utos na ng DOJ na pakawalan ang naunang sumukong suspek na si John Paul Solano 
- Inihatid na sa huling hantungan ang labi ni Castillo

Sumuko sa tanggapan ng Manila Police District (MPD) nitong Miyerkoles, Setyembre 27, ang isa pang iniuugnay sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio "Atio" Castillo III.

Bandang alas-6 ng hapon, sumuko si Jason Robiños, isa sa mga miyembro ng Aegis Jvris Fraternity.

Kabilang si Robiños sa mga nasa lookout order na dating ipinalabas ng Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Adenn Sigua, abogado ni Robiños, nais nilang mapatunayang walang kinalaman si Robiños sa pagkamatay ni Castillo.

Depensa ni Robiños, nasa ospital siya nang maganap ang hazing dahil sa gastroenteritis.

Samantala, ipinag-utos ng DOJ na pakawalan mula sa pagkakapiit sa MPD ang pangunahing suspek na si John Paul Solano.

Sa limang pahinang resolusyon, sinabing dapat pakawalan si Solano dahil kusa naman siyang sumuko noon.

Pero hindi pa nakalalaya si Solano dahil ayon sa abogado niyang si Paterno Esmaquel, hindi pa naibibigay sa kanila ang release order na inilabas bandang alas-5 ng hapon.

Pinangalanan ni Solano noong Lunes, Setyembre 25, ang anim na kasamahan sa Aegis Jvris Fraternity at isa pang indibidwal na may kinalaman sa pagkasawi ni Castillo.

Sa Oktubre 4 at 9 nakatakda ang paunang imbestigasyon sa kaso.

Kuha ng CCTV sa frat library

Kumbinsido naman ang pulisya na sa fraternity library ng Aegis Jvris sa Sampaloc, Maynila idinaos ang pag-hazing kay Castillo, batay sa nakuhang mga CCTV footage.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay 47 noong Setyembre 16, Sabado, huling nakitang naglalakad si Castillo sa kahabaan ng Dapitan Street bandang ala-1:20 ng hapon.

Kinausap niya ang Uber driver na naghatid ng gamit niya sa tirahan sa Makati.

Sa kuha ng mga CCTV ng Barnagay 471 sa Laong Laan at Navarra Street mula Setyembre 16 hanggang umaga ng Setyembre 17, makikitang labas-pasok ang mga hinihinalang miyembro ng Aegis Jvris sa kanilang library.

Noong Setyembre 17, Linggo, alas-2 ng umaga, isang lalaki at babae ang lumabas sa library. Nagsusuka ang babae na tila nakainom habang inaalalayan ng lalaki.

Pasado alas-7 ng umaga, lumabas naman ang isang estudyanteng may kausap sa cellphone at palakad-lakad na tila balisa.

Bandang alas-8:42 hanggang alas-8:45 ng umaga, sa may Santander at Rosarito Street, nakunan sa CCTV ang convoy ng mga miyembro ng fraternity.

Kabilang dito ang isang itim na SUV, isa pang SUV, pulang pick-up truck, at motorsiklong minamaneho ni Solano.

Sa CCTV ng Chinese General Hospital, alas-8:45 umaga noong Linggo, Setyembre 17, nakunang dumating ang convoy sa ospital.

Bandang alas-9:02 ng umaga nang lumabas sa ospital ang pulang pick-up truck at makalipas ang apat na minuto'y sumunod ang itim na SUV.

Pinaniniwalaang sa pulang pick-up truck isinakay ang katawan ni Castillo.

Inihatid sa huling hantungan

Pasado alas-5 ng hapon nitong Miyerkoles, inilibing na si Castillo sa mawsoleo ng kaniyang lolo sa Manila Memorial Park sa Parañaque.

Maagang dumating ang mga magulang ni Castillo at kaniyang kapatid sa chapel kung saan siya ibinurol.

Dumalo rin ang mga kababata, kaibigan, at kamag-aral ni Castillo para makipaglibing.

Sa una'y humingi ng privacy at panahon ang pamilya na makasama si Castillo sa chapel bago pinapasok ang media.

Nakasuot ng mga damit na may nakasulat na "Justice for Horacio" ang mga kaanak.

Ang aso ni Castillo na si Lega, nakasuot din ng "justice" shirt at sumilip din sa amo sa huling pagkakataon.

Nagdala ng malaking banner ang Volunteers Against Crime and Corruption na humihingi ng hustisya para sa pagkamatay ni Castillo.

Mahigit 200 paruparo ang pinakawalan sa libing ni Castillo bilang simbolo ng paghingi ng katarungan.

-- Ulat nina Johnson Manabat, Angel Movido, Kori Quintos, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.