Hazing suspect sa pagkamatay ni Castillo: 'Masakit din sa akin'

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 10:28 AM

MANILA - Ibinahagi ni John Paul Solano, pangunahing suspek sa fraternity hazing ni University of Santo Tomas student Horacio Castillo III, na dinaramdam n'ya ang pagkamatay nito lalo't sinubukan pa umano ni Solano na iligtas ang biktima.

Unang sinabi ni Solano na nahanap n'ya ang katawan ng 22-anyos na si Castillo sa Tondo, Maynila nitong Setyembre 17, ilang oras matapos itong magpaalam sa mga magulang na dadalo sa welcoming rites ng Aegis Jvris fraternity. 

Kinalaunan, inamin din ni Solano na nagsinungaling siya sa unang statement ng pulisya. Aniya, nilapatan n'ya ng first aid si Castillo sa Aegis Jvris fraternity library matapos siyang papuntahin doon ng ilang kapwa fratmen. 

Nagtatrabaho bilang medical technologist si Solano. Rescue volunteer din aniya siya ng Army Reserve Command at Metro Manila Development Authority (MMDA). 

Kuwento ni Solano sa panayam ng DZMM, nasa 15 hanggang 20 minuto niyang binigyan ng cardiopulmonary resuscitation o CPR si Castillo, pero hindi na ito na-revive. 

"Nalungkot ako, kasi iyun ang purpose ko kung bakit ako nagpunta ta's hindi rin na-save. So masakit din sa akin," sabi ni Solano, mula sa kanyang selda sa Manila Police District. 

"Kahit sinong rescuer naman, ginawa iyung best nila, tapos parang walang nangyari, masakit iyun."

Nasampahan na si Solano ng patong-patong na kaso kaugnay ng insidente. 

Sa hearing ng Senado Lunes, iginiit niya na hindi siya nakilahok sa hazing ni Castillo. 

Pinangalanan din n'ya sa isang executive session ang 6 na fratmen at isang non-member na inabutan niya sa Aegis Jvris library nang bigyan ng first aid ang law freshman. 

Hindi naman nangangamba si Solano na babalikan siya ng mga kasama sa fraternity sakaling kuhanin siya bilang state witness at mapalaya. 

"Sa ngayon po, hindi na kasi nasabi ko na naman po doon kung sino iyung mga 'yun. If ever -- huwag naman sana -- na mawala ako, may nakakaalam na rin pong iba, more or less iyung senators po." 

"That would be good pero para sa akin, hindi naman ganoon ka-savage or barbaric ang utak ng mga brods ko to kill me for that reason." 

Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa pamilya ni Castillo na ililibing ang nasawing law student ngayong Miyerkoles. Aniya, "Nasabi ko na rin po, pero my condolences na lang po sa family." 

Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.