Binatilyo patay matapos magulungan ng truck sa Benguet

Mae Cornes, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 10:39 PM

Patay matapos mahulog sa isang truck at magulungan ang isang binatilyo sa Tuba, Benguet nitong Linggo. Retrato mula sa Tuba Philippine National Police

Pabalik na sana sa opisina ang isang binatilyo nang mahulog siya sa truck na sinasakyan at magulungan sa Taloy Sur, Tuba, Benguet nitong Linggo.

Pahinante si John Mark Haban, 15, ng truck na nagde-deliver ng construction materials.

Nakasakay sa likod ng truck si Haban kasama ang iba pang kaibigan. Day-off niya at ng kanyang mga kasamahan nang mangyari ang insidente.

“Lumalabas po na 'yung namatay ay nakainom, mukhang nakabitaw siya sa pagkahawak dun sa truck, kaya nahulog at nagulungan dun sa ilalim. Nakasakay po siya sa likod ng ELF, medyo kaway nang kaway, pinipigilan,” ani police Insp. Rolando Lagayan, deputy station commander ng Tuba Police.

Agad isinugod sa ospital si Haban, pero hindi na ito umabot ng buhay.

“Parang nagulungan sa tiyan, kasi nung binuhat namin, wala na, patay na talaga, hindi na siya humihinga eh,” ani alias Michael, isa sa mga kaibigan at kasamahan ng biktima.

Kahit pinakabata sa mga trabahador, isa daw sa pinakamasipag si Haban.

“Masipag, pag tinatawag ni boss mag-repair, nagre-repair siya, lahat ng sinasabi, ginagawa niya, hindi naman namin alam na ganun ang mangyayari sa kanya," dagdag ni alias Michael.

Hindi nagsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.