Batang lalaki, minolestiya umano ng guro

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 06:01 PM | Updated as of Sep 28 2017 10:53 AM

Inireklamo ng pangmomolestiya ang isang lalaking guro sa Cauayan City, Isabela.

Kuwento ng ina ng biktima, ginawan umano ng kahalayan ng guro ang 12 anyos na lalaking estudyante matapos ang kanilang huling subject sa hapon.

Naatasan daw na "cleaner" o tagalinis ng silid-aralan ang estudyante kaya nanatili siya sa classroom pagkatapos ng klase.

Kuwento ng menor de edad sa ina, isinara ng guro ang pintuan ng silid-aralan at ibinaba ang mga kurtina ng kuwarto.

Hulyo 20 nangyari umano ang insidente pero Setyembre 7 na nang i-report ito ng biktima sa guidance counselor. Nalaman ito ng ina ng menor de edad makalipas ang ilang araw.

Ayon sa ina, natakot ang kaniyang anak at nagkaroon lamang ng lakas ng loob nang malamang ililipat sa ibang paaralan ang guro.

Una nang naghinala ang ina na may nangyari sa anak bago pa isiniwalat ng biktima ang insidente.

Nag-iba raw kasi ang ugali ng anak at nawalan din ng ganang pumasok sa eskuwelahan.

Sinubakan ng ABS-CBN News na makapanayam ang punong-guro ng paaralan at lokal na sangay ng Department of Education pero hindi sila tumutugon.

Ayon sa pulisya, hindi ito ang unang insidenteng may hinalay ang nasabing guro.

Inihain na sa piskalya ang reklamong sexual abuse laban sa guro.

Pansamantalang huminto ang bata sa pag-aaral upang sumailalim sa counseling.
 
Payo ng pulisya na magkaroon ng mabuting komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at anak para malaman agad kung mayroong pinagdaraanang problema ang bata.

Wala ang gurong inirereklamo sa kaniyang bahay at nag-leave din umano sa paaralang pinaglipatan.
 
-- Ulat ni Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.