4 sugatan sa magkasunod na pagsabog sa Maguindanao

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 04:48 PM

Apat na katao ang sugatan matapos sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa Barangay Semba, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao, Miyerkoles.

Alas-7:20 ng umaga nang sumabog ang IED sa gilid ng kalsada halos 700 metro ang layo mula sa training school ng Philippine Army 6th Infantry Division.

Walang nasugatan o namatay sa unang pagsabog.

Pero sa pag-responde ng mga pulis, sundalo at barangay officials upang i-kordon ang lugar at suriin ang pinangyarihan ng insidente, isa pang bomba ang sumabog. 

Ito ay 10 metro lamang ang layo mula sa lugar kung saan sumabog ang unang bomba.

Dito na nagtamo ng mga sugat sina Staff Sergeant Eddie Cane, Barangay Sema Chairman Pendatu Sinsuat, Barangay Kagawad Sinarimbo Lalaog, at isang Police Officer 2 Pendililang.

Base sa salaysay ni Lalaog, hindi umano nila akalain na may pangalawang bomba pa pala na iniwan sa lugar.

Lumalabas sa imbestigasyon na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinuturong suspek sa pambobomba.

Sa post blast investigation, lumabas na ang bomba ay gawa sa pulbura na ginamitan ng concrete nail at isinilid sa plastic container.

Ayon kay 6th ID Commander Major General Arnel dela Vega, ang pambobomba ay posibleng bahagi ng diversionary tactics ng BIFF upang ilihis ang atensyon ng militar sa patuloy na law enforcement operations laban sa kanila sa tinaguriang "SPMS box" o ang magkakaratig bayan ng Shariff Aguak, Pagatin, Mamasapano, at Shariff Saydona sa Maguindanao.

Nagdulot naman ng pangamba sa mga residente ang magkasunod na pagsabog. 

Ayon sa military, mas palalakasin pa nila ang kanilang intelligence gathering upang mapigilan ang paghahasik ng karahasan. Naniniwala ang militar na ang suspek ay maaring naninirahan malapit sa pinangyarihan ng pagsabog.

Kasalukuyang nagpapagaling sa Camp Siongco Station Hospital ang sugatang sundalo at pulis. Si Sinsuat naman ay isinugod sa Cotabato Regional and Medical Center habang nakalabas naman agad ng ospital si Lalaog matapos magtamo ng shrapnel wound sa tuhod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.