Mga pulis na idinawit ni Matobato, pahihintulutang dumalo sa Senado

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2016 07:43 PM

Dinipensahan ng Police Regional Office 11 ang mga pulis-Davao na idinawit ni Edgar Matobato, na isang aminadong miyembro umano ng Davao Death Squad na tumestigo sa Senado.

Isiniwalat ni Matobato ang mga extrajudicial killings umano sa Davao City sa ilalim ng dati nitong mayor na si Pangulong Rodrigo Duterte. 

Isinangkot niya ang pitong mga retiradong miyembro ng pulis at siyam pang aktibo sa serbisyo.

Ayon kay police Chief Inspector Andrea Dela Cerna ng PRO 11, kanilang pahihintulutan ang mga pulis na idinawit ni Matobato na humarap din sa Senado kung ito ay ipag-uutos ng Kampo Krame.

Ani Dela Cerna, minabuti muna ng mga naturang pulis na huwag magsalita sa media dahil pawang mga walang basehan ang mga akusasyon ni Matobato.

"Hindi naman tayo dapat basta maniwala sa ganoon dahil unang una 'yong DDS ay hindi pa na-establish ang katotohanan o kung nag-eexist ba talaga ang grupong ito," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.