Empleyado ng Cauayan City, huli sa buy-bust

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2016 12:33 AM

ISABELA - Labis ang kahihiyan ni Abelardo Bala, empleyado ng Public Order and Safety Unit (POSU) ng Cauayan City, matapos itong mahulihan ng droga at baril.

Imbes na magpatupad at tumugon sa kaayusan at batas, inaresto si Bala dahil sa pagtutulak umano ng iligal na droga noong Sabado ng gabi sa isang hotel sa Barangay Tagaran.

Nakuha kay Bala ang isang sachet ng hinihinalang shabu. Nang kapkapan, nadiskubre ang isa pang sachet ng shabu at buy-bust money na P1,000 sa kanyang bag.

Nakumpiska rin sa kanya ang isang 9mm na baril, na wala umanong rehistro.

Ikinadismaya ni Antonio de Luna Jr., deputy chief ng POSU ang pagkakahuli kay Bala.

Ginagabayan naman umano nila ito simula nang sumuko ito sa Oplan Tokhang.

Mahigit isang taon na umanong miyembre ng POSU si Bala at nakatalaga sa night patrol. Wala rin umanong in-issue na baril ang POSU sa mga kawani nito kaya posibleng personal na pagmamay-ari ni Bala ang baril nito.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at Republic Act 10591 o New Firearms Law si Bala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.