PatrolPH

Scammer na nagpakilalang pinsan ni Marcos Jr., inireklamo

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2023 07:58 PM

MAYNILA - Nagpasaklolo na sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Camp Crame, Quezon City ang mga nabiktima ng scam na natangayan ng milyon-milyong piso.

Batay sa imbestigasyon, nagpapakilalang kamag-anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang scammer para makapanghikayat ng mga mag-iinvest sa kanya ng pera.

Labis ang panghihinayang ng retired military official na si alyas "Benjie" dahil naglahong parang bula ang kanyang P800,000 matapos niyang iinvest sa sinasabi niyang scammer noong Agosto 2022.

Dagdag pa niya, kakatapos lamang niyang mag-loan ng P1 milyon nang mahikayat siya ng scammer, at matapos ang isang linggo, binigyan niya ito ng P800,000.

"Pag dating ng January, nilapitan ko na siya, ini-issue-han niya ako ng check, P1.5 million. First time ko sa buhay ko nakatanggap ako ng talbog na check. Ngayon nung inisyuhan ako ng talbog dahil hindi ko alam kung ano gagawin ko nagkikita pa rin kami, hindi ko binabanggit, hindi niya rin binabanggit. One time sinabi niya sa akin ibalik ko na lang 'yung pera na ibinigay mo sa akin, wala naman siyang nabalik," kwento ni Benjie.

Si alyas "Maria" naman na ngayong taon lang nag-invest, umabot sa P12 milyon ang naibigay na pera sa scammer.

Aniya, nakilala niya ang scammer noong Abril 17, at noong Abril 26, nagbigay siya rito ng P6 milyon. Nasundan pa ito ng P1 milyon noong May 1, P1 milyon noong May 2, at P4 milyon noong May 9.

Dagdag ni Maria, nagtiwala siya dahil sabi umano ng tauhan niya na totoong pinsan ito ni Pangulong Marcos.

"Kasi pina-verify ko sa PSG so it turned out na when I talked to someone form the PSG hindi siya kakilala," aniya.

Kwento rin ng mga biktima na binigyan sila ng scammer na tinawag nitong commemorative na limited edition na gold coin umano, kaya mas lalo anila silang naniwala.

https://sa.kapamilya.com/absnews/abscbnnews/media/2023/news/09/26/bbm-coin.jpg

Sa background check na ginawa ng PAOCC, lumabas na hindi kamag-anak ng scammer si Pangulong Marcos.

Ayon kay PAOCC Executive Director USec. Gilberto Cruz, modus ng scammer na magpakilala bilang taong malapit sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan. Sasabihin rin umano nito na may kaugnayan siya sa malalaking negosyo sa bansa, at na kamag-anak siya ng mga Marcos.

"Then i-meet ka niya sa magagandang hotel, mamahaling resto, and then kumpleto 'yan, nakabarong na parang mga security and then minsan naka logo ng Malacañang," dagda pa ni Cruz.

Ayon din kay Cruz, may mga nauna nang kaso ang nasabing scammer at nakalaya matapos magpiyansa.

Hinihikayat ng PAOCC ang iba pang nabiktima ng kaparehong modus na magreport sa kanilang tanggapan.

Paalala ng PAOCC sa publiko na mag-ingat at suriing mabuti ang mga pinaglalaanan ng pera.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.