MAYNILA - "Alibi" o palusot lang ng screening officer ng NAIA na tsokolate ang sinubo niya, at hindi pera, matapos masuspinde dahil sa pagnanakaw umano ng $300 mula sa isang pasaherong Chinese.
Ito ang pahayag ni OTS Deputy Administrator Asec. Jose Briones Jr. nang matanong agad sa budget hearing ng Department of Transportation sa Senado ukol sa insidente.
Kumalat sa social media nitong nakaraang linggo ang CCTV footage kung saan nakita ang pagsubo ng screening officer sa dollar bills na sinasabing galing sa bagahe ng naturang pasahero.
"Initially that was the cover up or alibi, but subsequent footages caught by the CCTV... was she swallowed dollar bills," ani Briones.
Sabi ni Briones, lalabas ang resulta ng imbestigasyon sa insidente sa loob ng isang buwan.
Ayon naman kay DOTr Sec. Jaime Bautista, 19 empleyado ng NAIA na ang nasibak sa pwesto simula July 2022 dahil nahuli silang nagnanakaw.
"They were caught stealing, getting something from the baggages of our passengers," ani Bautista.
Dismayado ang mga senador sa nangyari, pero sa kabilang banda, ayon kay Sen. Grace Poe, mainam na ituloy tuloy ang paglalagay ng mga CCTV para mapaigting ang monitoring.
"Continue that, it's a good investment. High resolution CCTV, well placed in areas of airport, especially when it comes to matters of screening, etc.," ani Poe.
"Grabe ang Pilipino pala, kumakain na ng pera," dagdag pa ni Dela Rosa.
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.