PatrolPH

QC nagpatupad ng forced evacuation dahil sa bagyong Karding

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2022 05:05 AM

MAYNILA - Buong magdamag na nakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa Quezon City nitong Linggo dahil sa Bagyong Karding.

Binaha ang ilang bahagi ng A. Bonifacio cor. Araneta, habang lagpas gutter rin ang pagbaha sa Valencia Street sa Brgy. Del Monte.

Nagkasa ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan sa ilang flood- prone areas sa lungsod.

Sa Bagong Silangan Elementary School, halos 1,800 indibidwal o higit 500 pamilya ang nagpalipas ng gabi. Karamihan ay residente ng Bagong Silangan na nakatira sa tabi ng creek.

Nagsagawa rin sila ng rescue operation Lunes ng madaling araw pero may ilan sa mga residente na naipit sa baha ang hindi na nag-evacuate at piniling manatili sa kanilang mga bahay.

Sa pinakahuling tala ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa mahigit 6,000 indibidwal ang kanilang inilikas sa iba't ibang mga evacuation sites sa lungsod.

Kabilang dito ang Brgy. Tatalon kung saang may ilang mga residente ang kusa na lumikas matapos maipit sa lagpas taong baha noong mga nakaraang bagyo.

Panawagan naman ni Mayor Joy Belmonte sa mga residente na huwag na muna magpumilit makabalik ng kanilang bahay hanggat walang clearance mula sa lokal na pamahalaan.- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.