PatrolPH

Mga lumikas na residente sa Cavite dahil sa Karding, nagsiuwian na

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2022 06:02 PM | Updated as of Sep 26 2022 10:21 PM

CAVITE — Dahil sa pagbuti ng lagay ng panahon, nagsiuwian na nitong Lunes ng umaga ang libo-libong lumikas sa Cavite noong kasagsagan ng bagyong Karding. 

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Cavite, walang naitalang pinsala ang bagyong Karding sa lalawigan.

Maging ang mga bahay sa tabing dagat sa Barangay Calibuyo, Tanza na madalas nagigiba tuwing bumabagyo ay hindi nasira.

Nakatulong na tinalian ng mga residente ang bubong ng kanilang mga bahay, pero hiling pa rin nila na magkaroon ng seawall sa lugar para mabawasan ang kanilang kaba tuwing masama ang panahon.

“Umatras na nang umatras talaga (ang bahay ko). Kasi ‘yung bahay namin nandu’n pa sa banda roon. Ngayong taon lang na ‘to tumindi ang lapit, sobra na talagang lapit kasi," sabi ng residenteng si Criselda Sosa.

Sabi naman ng barangay kagawad na si Romeo Sosa: “Aba’y talagang humahampas dito ang mga alon eh. Ang ginawa namin ‘yung nag-evacuate, pinapakain namin sa school. ‘Yun na lang ang ginagawa namin dahil walang makapalaot, walang hanapbuhay.”

Umabot sa 657 pamilya o katumbas ng 2,327 indibidwal ang lumikas sa mga coastal area sa Cavite City.

Magdamag naging abala ang rescue operations ng lungsod para alalayan ang mga residente na nasa delikadong lugar habang bumabayo ang malakas na hangin at ulan.

Sa Noveleta, umabot sa Level 4 o critical level ang antas ng tubig sa Ylang-Ylang River.

Nasa 136 pamilya ang inilikas sa bayan dahil sa banta ng matinding pagbaha, pero nagsiuwian na rin lahat nitong Lunes ng umaga.

Umabot naman sa 129 pamilya o 511 indibidwal ang dinala sa Tinabunan Elementary School, Imus Sports Complex, at Malagasang 2C Barangay Hall sa kasagsagan ng bagyo.

Bagamat gumanda na ang lagay ng panahon, inaabisuhan pa rin ng lokal na pamahalaan ang mga residente na maging alerto.

BATANGAS

Samantala, nagsiuwian na rin ang mga lumikas na residente sa Barangay Calayo sa Nasugbu, Batangas.

Naging ligtas ang mga bahay sa lugar na madalas ding binabaha tuwing umuulan.

“Nangyari na po sa amin noong nakaraang bagyo, halos lumubog ang bubong namin kaya ngayon po, natatakot na po kami. Kaya konting ano lang, lumilikas na kami. Muntik na kaming mamatayan," ani Rossana Baon na residente ng naturang barangay.

Kinumpara naman ng kagawad na si Neneth Sevilla ang kanilang naging karanasan ngayon sa Karding at noong 2021 nang nanalasa sa lugar nila ang Bagyong Jolina.

“Iyong nangyari po ang baha noong bagyong Jolina, ‘yung iba po ay inabot na ng umaga nasa mga puno tapos hindi na po namin kinaya ang ragasa sa tabing ilog, hindi na namin kaya i-rescue," aniya.

Walang naitalang pinsala ang bagyo sa Nasugbu.

Sa Calatagan, binaha ang Carretonan Elementary School at pinasok ng tubig ang 4 na silid-aralan.

KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.