MAYNILA — Hindi na makontak ng Senate blue ribbon committee ang isang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na umaming sini-swindle ng kompanya ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga "substandard" na medical supplies.
Ito ang ibinunyag ngayong Linggo ni Sen. Richard Gordon, chair ng komite, sa isang Twitter post.
Ayon sa timeline na ipinalabas ng Senate blue ribbon committee, na nagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa Pharmally, hiningi ng komite noong Biyernes ang address ni Krizle Mago matapos nitong aminin ang "swindling."
Sumagot ito at sinabing makikipag-usap siya sa komite matapos ang hearing.
Nitong Linggo, makalipas ang 2 araw, nag-follow up sa lokasyon ni Mago ang Senado pero hindi na ito makontak.
Maliban sa pagbebenta ng substandard na medical supplies, inamin rin ni Mago na pinapalitan nila ang expiration date sa mga face shield.
Iginiit pa ni Mago noong Biyernes na handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon ng Senado.
Nauna na rin siyang inalok ng mga senador ng proteksiyon pero sinabi niyang pag-iisipan muna niya ito.
Sa panayam ng Teleradyo bago ang post ni Gordon sa Twitter, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na umaasa siyang sapat ang weekend para pagnilayan ni Mago ang alok na proteksiyon ng Senado.
"Marami ang nagri-reach out sa kanya dahil concerned kami sa kanyang well-being dahil parang siya'y naging o maaring maging whistleblower," ani Hontiveros.
Posibleng maharap sa kasong kriminal at administratibo ang mga isinasangkot sa umano'y maanomalyang transaksiyon ng Pharmally, ani Hontiveros.
Mayroon aniya kasing probable graft and corruption at gross negligence sa pagbili ng gobyerno ng overpriced medical supplies, base na irn sa mga ebidenisya sa pagdinig ng Senado.
May napipinto pa umanong payment ang gobyerno sa Pharmally sa kabila ng pahayag ng isa sa mga opisyal ng kompanya na nakapag-full delivery na sila pero hindi pa nakakatanggap ng full payment.
Dahil dito, umapela si Hontiveros na itigil na ng gobyerno ang pakikipagtransaksiyon sa Pharmally.
Dalangin umano ni Hontiveros na ligtas si Mago at bukas pa ring makipagtulungan para sa katotohanan.
— Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.