Maglalagay ng mga imprastruktura at pasilidad ang SM Mall of Asia para magamit ng lumalaking komunidad ng mga gumagamit ng bisikleta. Fred Cipres, ABS-CBN News
MAYNILA— Inilunsad Sabado ng umaga ang proyektong Bike-Friendly MOA na naglalayong maglagay ng imprastruktura at pasilidad para sa lumalaking komunidad ng mga siklista sa bansa.
Sa ilalim ng proyekto, maglalagay ng bike lanes sa lahat ng kalsada sa loob ng SM Mall of Asia Complex na aabot sa 18 kilometro, kabilang ang bike lane sa Diokno Boulevard.
Kumpleto rin sa bike-centric road signs ang mga bike lanes sa loob ng MOA Complex. Nakabase ang mga inilagay na road signs sa National Association of City Transportation Officials US standard na makikita sa New York, Boston, Los Angeles at Washington D.C. sa Amerika.
Bukod dito, asahan na rin ng bikers' community ang mga karagdagang pasilidad para sa kanila.
Daragdagan at palalakihin pa ang bike parking capacity sa lugar ng 50 porsiyento. Maglalagay din ng bagong bike racks na malapit sa entrance ng mall at bike repair stations sa mga strategic location sa loob ng complex. May floor pump, bike stand at essential tools ang bawat repair station.
Magkakaroon din ng libreng helmet depository sa may Ocean Drive, kung saan puwede nilang iwan ang kanilang helmet nang libre habang nasa loob sila ng mall.
Magkakaroon din ng vending machines na may lamang bike accessories at gear sa loob ng complex. Mayroon ding vending machine na para naman sa hydration at energy snacks ng mga bikers.
Target ng mall management na gawin din sa iba pa nilang branch ang naturang proyekto.
Bike-friendly MOA, SM Mall of Asia, bike community, bike enthusiasts, bike facilities