PatrolPH

Labis na paggamit ng UV light maaaring magdulot ng kanser, babala ng DOH

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2020 01:11 PM | Updated as of Sep 26 2020 06:19 PM

MAYNILA - Nagbabala ang Department of Health na posibleng magdulot ng masamang epekto sa kalusugan, kabilang na ang sakit na kanser, ang labis na paggamit ng UV disinfection light ngayong nauuso ito sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa isang press briefing nitong Sabado, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maituturing na "carcinogenic" - o may tsansang magdulot ng kanser - ang labis na exposure sa UV light.

Bukod sa pagiging "carcinogenic," sinabi ni Vergeire na posibleng magdulot ito ng pamumula ng balat at makaapekto sa mata.

"[Kung] gagamitin sa bahay at establishments, kailangan mag-ingat. 'Yung exposure can cause harmful effects to the body na halimbawa na-expose kayo for 60 minutes or even 4 hours, na nagkakaroon ng pamumula ng mata, and of course, prolonged exposure to this can be harmful also kasi it is carcinogenic. It might cause cancer also," ani Vergeire sa Laging Handa briefing.

Matagal nang ginagamit na disinfection method sa mga health facility ang UV sanitation light na pinaniniwalaang nakapapatay umano sa SARS-CoV2 virus na siyang nagdudulot ng COVID-19, ayon kay Vergeire.

"Ito ay matagal nang ginagamit na disinfection procedure sa ating mga health facility at ang mga gumagamit nito ay bihasa at alam na, they are trained to do that," ani Vergeire.

Pero muling iginiit ni Vergeire na "wala pang sapat na ebidensiya" na nagpapatunay na ang UV light ay direktang nakapapatay ng SARS-CoV2 virus.

Una nang nagsabi ang ilang eksperto na may katangian ang UV light na wala sa ordinaryong ilaw kaya patok ito ngayon bilang disinfectant sa gitna ng pandemya.

Giit nila, ang init na lumalabas sa UV light ay kayang makapatay ng mikrobyo.

Madalas din anilang nararamdaman sa mata ang labis na paggamit ng UV light disinfectant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.