Isinakay sa police mobile ang ilan sa mga nahuling customers ng bar sa Tomas Morato sa Quezon City. Pinalaya rin sila matapos na matikitan. Jekki Pascual, ABS-CBN News
MAYNILA— Huli ang halos 100 customer at empleyado ng isang bar sa Tomas Morato, Quezon City na nag-party umano Sabado ng madaling araw.
Ayon kay Police Lt. Col. Noli Abalos, hepe ng Kamuning Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon na marami ang nag-iinuman sa loob ng bar kahit lagpas na sa curfew.
Sa pagpapatrol ng pulis, napansin din nila na maraming mga nakaparadang sasakyan sa labas ng naturang bar at may ingay pa na naririnig sa loob.
Sa inisyal na pagpasok ng mga pulis, nakita na maraming tao sa loob ng bar at hindi na nasusunod ang physical distancing kaya’t tuluyan nang sinalakay ito.
Nahuli ang 93 katao kabilang na ang mga empleyado,at may mga dayuhan pa na customer.
Sabi ng pulisya, posibleng maharap ang mga nahuli sa patong-patong na reklamo gaya ng paglabag sa mga ordinansa sa curfew, liquor ban, physical distancing, hindi pagsusuot ng face shield, at mass gathering.
"Makinig tayo sa protocol. Alam naman natin na bawal. Antayin natin kung kailan mag-go ang gobyerno, ang dami na natin affected na COVID," sabi ni Abalos.
Dinala sa Barangay South Triangle covered court ang mga nahuli pero pinauwi rin matapos matikitan. Nahaharap naman sa posibleng kaso ang management ng bar.
Nakikiusap ang pulis sa lahat ng may-ari ng mga bar, hindi lang sa Tomas Morato, na sumunod sa health protocols lalo na't nasa gitna pa ng pandemya.
Physical distancing, health protocols, Tomas Morato bar, Metro news, Quezon City, COVID-19 Philippines updates, COVID-19 pandemic