PatrolPH

ALAMIN: Mga kailangan ng pasahero sa pagbabalik-operasyon ng provincial buses

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2020 05:26 PM | Updated as of Sep 26 2020 06:54 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Papayagan na simula Setyembre 30 na bumiyahe ang ilang provincial bus, matapos ang 6 na buwang pagkatengga dala ng coronavirus disease 2019 pandemic.

Kaakibat nito, naglatag ng mga requirement ang Land Transportation Franchising Regulatory Board ng mga panuntunan para sa mga sasakay maging sa mga bus na papayagang bumiyahe rito.

Para sa mga pasahero, kailangan magdala ng travel pass, valid ID, consent na pumapayag ang pasahero na sumailalim sa COVID-19 testing, at iba pang dokumento ng ticket.

Kailangan ding makuha ang trip ticket ng pasahero dalawang araw bago bumiyahe o mas maaga pa sa pamamagitan ng online facility o sa mismong bus terminal.

Dapat ding magsuot ng face mask at face shield alinsunod sa protocols sa mga pampublikong sasakyan.

Papayagan namang bumiyahe ang mga bus na may valid at existing certificate of public convenience o aplikasyon ng validity nito.

Dapat ding may QR code na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa mga bus.

Bawal din ang pagbaba at pagsakay sa anumang parte ng provincial route maliban sa itinalagang stopover points at terminal kung saan huling titigil ang mga bus.

"Ang aming recommendation if we are to be consulted, terminal to terminal na lang ang resumption natin. For example, from terminal in Baguio, diretso sa bus terminal in Cubao. Walang pickup points along the way, so ang pasahero we can really check kung kumpleto ng requirements for the travel," ani Alex Yangue, executive director ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines.

Pero pakiusap ng grupo, na sa halip na integrated terminal ay payagan silang gamitin muna ang existing EDSA bus terminals para makakuha ng pasahero.

Aabot sa 12 ruta sa Region 3 at Calabarzon ang papayagang bumiyahe. Kaya umaaray ang ilang provincial bus driver na biyaheng-Bicol at Visayas, gaya nina Mario Atienza at Samuel Traboco.

Panawagan nila pareho na payagang bumiyahe.

"Minsan nakakaranas nang hindi makakain. Ganoon talaga ang buhay. Walang mapagkuhanan," ani Atienza, na isang beses lang kada linggo ngayon nakakabiyahe para maghatid ng mga nagpapa-swab test sa Maynila.

Umaasa naman si Traboco, na pa-Visayas ang ruta, na makabiyahe na rin para sa pag-aaral ng anak.

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.