13 anyos hinuli sa 'di pagsuot ng facemask sa Malabon; pina-blotter, kinunan ng mugshot

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2020 10:06 AM | Updated as of Sep 26 2020 07:31 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Hinuli ng mga barangay tanod at pulisya ang isang menor de edad sa labas ng kanilang bahay sa Malabon Biyernes ng gabi dahil wala umano itong suot na facemask.

Ayon sa ulat, makikikain sana ang mag-tiyuhin sa kapitbahay nila sa Reyes Street sa Barangay San Agustin. Inutusan ng tiyuhin ang 13 anyos na pamangkin na kumuha ng bawang pang sangag sa kanilang bahay na katabi lamang ng kanilang kapitbahay.

Pero naabutan ang bata ng mga tanod at pulis at hinuli dahil wala umanong suot na facemask. Ito'y kahit hindi maaaring parusahan ang mga menor de edad dahil sa paglabag sa quarantine protocol sa ilalim ng guidelines ng gobyerno.

Sa kabila ng pakiusap ng pamilya, dinala pa rin sa barangay hall ang bata para i-blotter. Kinunan din ito ng fingerprints at mugshot.

"Sabi ko inutusan ko lang tapos ang sabi, dadalhin daw sa barangay," ayon sa isang kaanak.

Sinabihan pa umano ng pulis ang 13 anyos na may pang-profile picture na siya sa kaniyang Facebook account.

Natakot umano ang nahuling menor de edad.

"Nagulat na lang po ako, natakot ako," ayon sa bata.

Bukod diyan, pinagmumulta din ang bata ng P5,000 na kalaunan ay ibinaba sa P1,000.

Ayon sa joint memorandum circular ng Department of the Interior and Local Government o DILG, hindi dapat parusahan ang mga menor de edad na lumalabag sa quarantine protocols. Sa halip, iturnover lang sila sa magulang at pagsabihan ang mga ito.

Ayon kay Joint Task Force COVID shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, hindi dapat tinitiketan ang 13 anyos.

“Walang problema na i-booking sya kasi when you say booking, kinukuha natin ang mga personal circumstances just for reference lang. Pero liliwanagin natin na hindi dapat mapenalize ang minor na ito lalo na for quarantine violations,” ani Eleazar.

Humingi naman ng paumanhin ang Barangay Chairman na si Ricky Bernardo sa pamilya ng bata at pinakansela ang inisyuhang violation ticket.

Makikipag-ugnayan naman ang Malabon police sa city legal officer ng siyudad para linawin at mapag-usapan ang ordinansa.