Tapyas-presyo sa 120 gamot irerekomenda ng DOH

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May altapresyon at baradong ugat sa puso si Teresita Mangulab, na higit isang dekada nang tindera sa Quezon City.

Pero isang buwan nang hindi umiinom ng gamot si Mangulab, 58, dahil sa halip na gumastos ng P2,000 para sa 4 klase ng gamot, ipinantustos na lang niya ang pera sa mga paninda.

"Kapag may pera ako, bili ako 3 o 2, hindi nakukumpleto 'yong 4 na gamot gawa ng sobrang mahal," ani Mangulab.

Pondo rin ang problema ni Araceli Navarro dahil hindi lang siya ang may diyabetes kundi maging ang nanay at kapatid.

Hindi raw bababa sa P3,000 kada 2 linggo ang napupunta sa gamot ng kanilang pamilya.

"Minsan wala nang pambili," ani Navarro.

Isang maximum drug retail price (MDRP) ang nakatakdang ipataw sa 120 gamot sa rekomendasyon ng Department of Health kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang dito ang mga gamot para sa high blood, diyabetes, cardiovascular diseases, chronic lung diseases, neonatal diseases, at mga kanser.

Kasama rin ang gamutan para sa chronic renal disease, psoriasis, at rheumatoid arthritis.

Inaasahang bababa ng 54 porsiyento ang halaga ng gamot para sa naturang mga sakit kapag napirmahan ang executive order (EO) para sa MDRP.

Ayon sa Department of Health (DOH), napili ang mga gamot batay sa bigat ng karamdaman.

Isinaalang-alang din ang limitadong kompetisyon at presyo ng mga gamot sa Pilipinas kapag kinumpara sa ibang bansa sa Southeast Asia at developing countries.

Inamin ng DOH na 4 na beses pa ring mas mataas ang presyo ng generic drugs sa Pilipinas kompara sa ibang bansa.

Nasa 22 beses namang mas mataas ang presyo ng branded na gamot sa Pilipinas, lalo sa mga pribadong ospital at botika, kompara sa ibang bansa.

"The objectives of the MDRP policy are to promote and ensure access to affordable and quality drugs, achieve universal healthcare, including financial risk protection, [and] to prevent 'yong talagang disaster sa pamilya every time may magkakasakit," ani Health Undersecretary Eric Domingo.

Ipapasa sa kalihim ng DOH ang listahan ng mga gamot na didiskuwentuhan, saka ibibigay kay Duterte bago ilabas ang EO.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.