Parte ng Fisher Mall sa Quezon City, nasunog

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 01:03 AM | Updated as of Sep 26 2019 06:47 PM

MANILA (UPDATE)—Sumiklab ang sunog sa receiving area ng Fisher Mall sa Quezon Ave., Quezon City Miyerkoles ng gabi.

Nagsimula ang apoy sa receiving area na katabi ng supermarket ng nasabing mall alas-11:05 ng gabi.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog at idineklara itong fire out alas-12:41 Huwebes ng madaling-araw.

"May nag-cu-cutting ng mga bakal na lalagyanan ng mga paninda. Kaya isa ito sa tinitingnang dahilan ng sunog," ani Fire Chief Insp. Joseph Del Mundo ng Bureau of Fire Protection (BFP) Quezon City.

Watch more in iWantTFC

Kuwento naman ng welder na si Romeo Nabor, may narinig silang sumabog bago sumiklab ang apoy.

"Nagulat kami bigla may sunog sa likuran namin. Mabilis na lumaki kaya umalis na kami," aniya.

Walang naitalang nasugatan pero nahirapang huminga ang isang bombero dahil sa kapal ng usok.

Tinatayang aabot sa P100,000 ang danyos sa sunog.

Samantala, nasa 15 pamilya naman ang nawalan ng tirahan sa sunog sa Barangay Tangos North, Navotas City.

Ayon kay Navotas fire marshal Bartolome Beliran, nag-umpisa ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ni Joel Ferrer pasado alas-10 ng gabi.

Sugatan rin ang isang babae na agad namang naisugod sa ospital.

Inaalam pa kung ano ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa P80,000 halaga ng mga ari-arian.—May ulat nina Dexter Ganibe at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.