Solusyon sa mabigat na trapiko sa SLEx pag-uusapan

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 08:06 PM | Updated as of Sep 26 2019 08:49 PM

Planong pag-usapan ng Toll Regulatory Board at ng mga namumuno sa proyekto ng Skyway ang solusyon sa mabigat na trapiko sa South Luzon Expressway (SLEx.)

Ito ay matapos magkaroon ng tila walang galawang trapiko sa Northbound lane ng SLEx noong Miyerkoles - na naramdaman hanggang madaling araw ng Huwebes.

Bunsod umano ito sa pagtatayo ng mga poste para sa apat na kilometrong extension ng Skyway project sa Alabang hanggang sa Filinvest. Dahilan ito para isara ang isang lane pa-Northbound na may 100 metro ang haba sa bandang Alabang viaduct bago umakyat ng Skyway.

Tingin ni Abraham Sales, executive director ng TRB, na nagkulang sa information drive ang Skyway ukol sa kanilang proyekto kaya hindi nakapaghanda ang mga motorista.

"Sabi ko dadagdagan niyo yung info campaign sa project din yan... diniscuss din yang issue na 'yan... Napansin na 'yan kahapon nagte-trending daw that's why may meeting kami ulit bukas," ani Sales.

Humingi ng paumanhin si Manuel Bonoan, pinuno ng San Miguel Corporation Tollways (SMC) na namumuno sa proyekto, sa nangyari.

"Kami po ay humihingi ng paumanhin sa aming mga motorista na gumagamit ng SLEx at tsaka skyway. Lalo na po yung mga papunta ng Manila," ani Bonoan.

"Ginagawa po namin lahat ng possible traffic management measures na maibsan kahit papaano na nararanasan ngayon," dagdag niya.

Batay sa monitoring ng TRB, nasa 7,000 sasakyan ang dumaraan sa Alabang Viaduct sa loob ng isang oras tuwing rush hour.

Disyembre 2020 nakatakdang matapos ang Skyway at inaasahang paluluwagin nito ang daloy ng trapiko hanggang sa EDSA.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.