Higit 20 sugatan sa karambola ng 4 sasakyan sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 05:06 PM | Updated as of Sep 26 2019 05:38 PM

Higit 20 tao ang nasugatan sa aksidenteng kinasangkutan ng apat na behikulo sa Jose Abad Santos Avenue Road, Barangay Dolores sa San Fernando City, Pampanga, Huwebes ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kabababa lang galing ng Dolores Intersection Flyover ang trailer truck na papunta sanang Bataan nang mawalan ng kontrol at unang binangga ang isang pampasaherong bus.

Inararo rin nito ang isang pampasaherong jeepney at motorsiklo bago tuluyan sumalpok sa isang tindahan.

Kaagad itinakbo sa ospital ang mga sugatang pasahero na karamihan ay mga estudyanteng sakay ng jeepney.

Samantala, nakakulong na sa Community Police Assistance Center 2 ang driver ng truck na kinilalang si Christian Apuhin, 29-anyos.

Payo ng awtoridad na magdahan-dahan sa pagmamaneho at siguruhing nasa maayos na kundisyon ang katawan bago bumiyahe

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries and damage to properties ang driver ng truck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.