PMA cadet Darwin Dormitorio kinuryente gamit ang taser flashlight: pulisya

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 04:43 PM | Updated as of Sep 26 2019 06:55 PM

Watch more in iWantTFC

Hawak na ng pulisya sa Baguio City ang taser flashlight na ginamit umano para kuryentehin si Philippine Military Academy (PMA) 4th class cadet Darwin Dormitorio na kalauna'y namatay dahil sa hazing.

Nitong Huwebes, ipinakita ng pulisya ang taser na sinasabing ginamit ng mga suspek upang kuryentehin ang maselang bahagi ng katawan ng 20 anyos na kadete.

Ayon kay Police Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson, regional director ng Cordillera police, akma ang dulo ng taser sa markang nakita sa katawan ni Dormitorio.

Sa imbestigasyon pa ng pulisya, sinipa rin daw sa ulo si Dormitorio.

Setyembre 17 nang bawian ng buhay si Dormitorio dahil sa tinamong blunt force trauma na naging sanhi ng internal hemorrhage o pagdurugo sa loob ng katawan.

Bago ito, naospital na rin daw si Dormitorio dahil din sa panggugulpi.

2 pang upperclassmen suspek na

Samantala, nadagdagan pa ng 2 ang mga suspek na dawit sa pagkamatay ni Dormitorio.

Bukod pa ito sa 3 upperclassmen na nauna nang tinukoy ng pulisya na sina 3rd class Shalimar Imperial, 3rd class Felix Lumbag, at 1st class Axl Rey Sanupao.

Tanggal ang 3 sa PMA habang 4 pang kadete ang pinatawan ng parusang suspension at demerits.

Sa ngayon, 14 na witnesses na ang kausap ng pulisya at inaasahang sa Biyernes o Lunes ay makapagsasampa na ng kaso laban sa mga suspek.

—Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.