Pekeng dentista sa Recto, kalaboso

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 04:35 AM | Updated as of Sep 26 2019 06:52 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Inaresto ng mga pulis sa Recto Ave., Maynila nitong Miyerkoles ang isang lalaki na nagpapanggap na dentista.

Inireklamo rin ang suspek na si Rogelio Melgar Jr. ng pangmomolestiya umano ng isang pasyente.

Inabutan pa ang suspek na nagsasagawa ng dental procedure nang salakayin ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at Philippine Dental Association (PDA) ang kaniyang klinika.

"Siya po ay graduate ng dentistry pero hindi po siya nakapasa ng board exams," ani Dr. Narisa Ragos ng PDA.

Lumapit ang isang pasyente ni Melgar sa PDA at isiniwalat ang ilegal na gawain nito.

"Pagpasta po sa kaniya, ang sabi ay siya ang maghubo at meron daw po kakapain sa maselang bahagi ng katawan niya," ani Ragos.

"'Pag ito daw po ay pinahipo doon sa dentista, mawawala daw po 'yung sakit ng ngipin niya."

Base sa imbestigasyon ng PDA, 2014 pa nagki-clinic sa Recto Ave. si Melgar. Dating may lisensiyadong dentista ang naturang klinika pero nang magretiro ay itinuloy nito ang operasyon doon.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na sinampahan na ng reklamong paglabag sa code of ethics for dentists at acts of lasciviousness.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.