Patay na baboy, tinapon sa gilid ng kalsada sa QC

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 09:18 AM | Updated as of Sep 26 2019 10:18 AM

MAYNILA - Nakasilid sa sako ang katawan ng patay na baboy na tinapon sa kalsada sa Barangay Tatalon, Quezon City nitong Miyerkoles.

Ayon kay barangay kagawad William Chua, mag-alas 5 ng hapon nang mapansin ng mga tanod na may sakong nakakalat sa kanto ng Kaliraya at Araneta Avenue.

Akala ng mga ito ay basura ang nasabing sako, pero nang silipin ay nagulat sila nang makitang patay na baboy ang laman ng sako.

Kumbinsido si Chua na galing ito sa isa sa maliliit na babuyan sa nasabing barangay.

Posibleng namatay ito dahil sa sakit base sa istura nito. Pero iimbestigahan pa kung ito ay positibo sa African swine fever.

Nakikipag-ugnayan na ang opisyal ng barangay sa lokal na pamahalaan hinggil sa insidente.

Panawagan naman ni Chua sa mga may-ari ng babuyan sa kanilang lugar, agad ipagbigay-alam sa kanila kapag may namatay na baboy at iwasang itapon ito sa kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.