Pagawaan ng pekeng plaka sa Caloocan nilusob; 1 timbog

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 06:26 PM

MAYNILA — Timbog ang isang lalaki sa Caloocan City nitong Huwebes matapos siyang maaktuhan sa hinihinalang pagawaan ng mga pekeng plaka.

Ayon sa pulisya, 2 linggo nilang minanmanan ang naturang bahay sa Barangay Bagumbong bago salakayin.

Nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng report ang pulisya na talamak ang mga pekeng plaka sa lugar.

Inaresto ang isang lalaki na sinasabing may-ari umano ng pagawaan kung saan nile-layout ang mga pekeng plaka.

Aabot daw sa P900 hanggang P1,000 ang presyo ng bawat pares ng plaka na ibinebenta ng suspek sa kaniyang mga kostumer.

Nakumpiska ang mahigit 20 pekeng plaka sa naturang pagawaan.

Hinahanda na ang mga kaso laban sa suspek.


—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.