P11.2-M halaga ng 'shabu' nasamsam sa 8 drug suspect sa Imus City

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 01:48 PM | Updated as of Sep 27 2019 01:00 AM

Watch more in iWantTFC

Nasa P11.2 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa 8 suspek na naaresto sa magkakasunod na anti-drug operations sa Imus City, Cavite.

Sa Golden City Subdivision sa Barangay Anabu II-F nahuli ng Cavite police ang tulak ng ilegal na droga na si Nariman Unte, alyas "Tomboy," at ang kasamang si Al Hamid Lambitan.

Aabot sa 400 gramo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa Chinese tea bags at nagkakahalagang P2.7 milyon ang nakuha sa 2 suspek.

Ayon kay Unte, ibinigay lang sa kaniya ng kaniyang amo ang droga.

Sa hiwalay na operasyon, nahuli ang mag-asawang Wilfredo at Joselyn Sañez sa kanilang bahay sa Barangay Medicion II-A.

Kapuwa high-value target ang mag-asawa, ayon sa Imus police.

Nakuhanan ang mag-asawa ng 106 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P720,800.

Naaresto rin ang kaanak ng mag-asawa na si Joe Sañez at ang nobya nitong si Jazmine Mirano, na nakumpiskahan ng 150 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P1,020,000 ang halaga.

Sa huling operasyon sa Barangay Palico II, natimbog naman ang umano'y high-value target na si Edmar Austria at asawang si Vanessa.

Nakuha sa mag-asawa ang isang kilo ng hinihinalang shabu na nasa P6.8 milyon ang halaga.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.