Nawawalang batang babae, natagpuang naaagnas na sa Agusan del Norte

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 05:33 PM

Sa masukal at madamong bahagi ng barangay natagpuan ang bangkay ng batang babae. Hinala ng awtoridad na pinalo ang bata ng matigas na bagay sa ulo. Larawan mula sa Buenavista Municipal Police Station

BUENAVISTA Agusan del Norte – Naaagnas na ang katawan ng isang pitong taong gulang na batang babae nang matagpuan ng mga residente sa masukal na bahagi ng Barangay Manapa, Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa lola ng biktima, hindi niya pinansin ang tawag ng kaniyang apo na sumunod sa kaniya papunta sa kanilang farm upang kumuha ng mga gulay.

Sa imbestigasyon ng Buenavista Police, Linggo pa ng umaga nai-report na nawawala ang bata pero Miyerkoles lang ito natagpuan sa damuhang bahagi ng barangay may isang kilometro lang ang layo sa farm.

Sabi ni Capt. Joepetrus Catubig, officer-in-charge ng Buenavista Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa kapitan ng barangay tungkol sa natagpuang bangkay.

“Hindi madaling puntahan doon kasi masukal maraming damo, niyugan kasi ito at muddy,” sabi ni Catubig.

Itinuturong salarin sa krimen ang kapitbahay at malapit sa pamilya. Pinaniniwalaang hinampas ng matigas na bagay ang ulo ng biktima. Ipinapasuri din sa doktor kung ginahasa ang biktima bago pinatay.

Hawak na ngayon ng pulisya ang suspek na tumangging may kinalaman sa krimen. Pero ayon sa pulisya, matibay ang kanilang ebidensya laban sa suspek.

Inihahanda na ngayon ng awtoridad ang mga dokumento upang maisampa na ang kasong pagpatay laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.