Nature park sa Negros Occidental, sumiklab ng 1 araw; 5 ektarya nasunog

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 07:14 PM

Limang ektarya ng North Negros Natural Park ang nasunog nitong Miyerkoles, Sept. 25, 2019, sa Negros Occidental. Dulot daw ito ng mga honey gatherers sa lugar. Kuha ng CENRO-Bago

Isang bahagi ng nature park sa Negros Occidental ang nasunog nitong Miyerkoles.

Ayon sa Community Environment and Natural Resources Office - Bago City (CENRO-Bago), 5 ektarya ng mga puno at talahib ang sumiklab sa North Negros Natural Park (NNNP).

Nagsimula umano ang sunog sa gitna ng dalawang ilog na sakop ng Barangay Bagong Silang sa bayan ng Don Salvador Benedicto at boundary ng Cadiz City.

Huwebes ng hapon na naapula ang apoy.

Ayon sa imbestigasyon ng CENRO, mga honey gatherers sa lugar ang responsable sa sunog dahil may mga residente sa lugar na nakakita sa kanila.

Patuloy sila ngayon na hinahanap ng mga awtoridad.

Ang NNNP ay isang protected area sa lalawigan na mayroong daan-daang mga endemic species ng mga puno, halaman, at wildlife.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.