Higit 60 kilo ng mishandled at nabubulok na karne, kinumpiska sa CDO

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 08:04 PM

Kinumpiska ng city veterinary office ang mga mishandled na karne ng baboy at manok sa kanilang pagroronda sa Cogon Market sa Cagayan de Oro City. Larawan mula sa city veterinary office

Higit sa 60 kilo ng mishandled at kontaminadong karneng baboy at manok ang kinumpiska ng city veterinary office mula sa mga nagbebenta nito sa Cogon Market sa Cagayan de Oro City, Miyerkoles ng madaling araw.
 
Ayon kay city veterinary office officer-in-charge Dr. Lucien Anthony Aca, bukod sa masangsang na amoy, hindi maayos ang pagka-display ng mga karneng ibinebenta.

"Nakita sa ating meat inspection team na spoiled na at not fit for human consumption. Hindi na dapat ibinebenta dahil nangangamoy na ang mga ito at iba na ang kulay, bluish-violet na ang kulay na nagpapahiwatig na mayroong bacterial load ang karne,” sabi ni Aca.

Nag-abiso din ang naturang tanggapan sa publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga karne. Aniya, tiyakin na may maipakitang meat inspection certificate ang nagbebenta para matiyak na dumaan sa saktong proseso sa pagkatay at walang sakit lalo na ang mga baboy.

Matapos ipa-blotter sa pulisya ang mga nakumpiskang karne, dinala ang mga ito sa city slaughterhouse para sunugin at para hindi na mapakinabangan ng tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.