Ginang pinatay, ninakawan ng pamangkin; labandera idinamay rin

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 01:15 AM

PAMPANGA—Patay ang isang ginang at kaniyang labandera matapos silang paghahampasin ng kahoy at pagsasaksakin sa bayan ng Santa Ana, Pampanga noong Biyernes.

Kinilala ang mga biktima na sina Emy Marin, 58 anyos, at Analyn Fortuna, 50 anyos.

Naaresto naman noong Sabado ang suspek na kinilalang si Erwin Ponce, 34 anyos na pamangkin ni Marin.

Kuwento ng asawa ni Marin, natagpuan na lang niyang wala nang buhay at duguan ang 2 biktima sa loob ng kanilang bahay Biyernes ng tanghali.

"Nagsisigaw po ako. Umiiyak po ako. Humihingi po ako ng saklolo sa mga tao dito," ani Eduardo.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, nakuhanan si Ponce na may hawak na kahoy. Pumasok siya sa bahay at pinagpapalo si Marin.

Paglabas niya ng labahan, hinampas din niya si Fortuna hanggang sa mawalan ito ng malay. Makalipas ang ilang minuto, sinaksak din ni Ponce ang 2 biktima.

Umalis ang suspek dala ang nasa P50,000 mula sa bahay. Nahuli siya ng mga pulis noong Sabado sa bayan ng Mexico.

"Hindi ko lubos maatim na magagawa ng pamangkin sa kaniyang tita. Siyempre malaki ang tiwala namin sa kaniya kaya feel at home siya sa bahay," dagdag ni Eduardo.

Ikinagalit naman ng pamilya ni Fortuna na nadamay lang ito sa insidente.

"Wala pong kaawa-awa 'yung ginawa niya sa tita ko... walang kapatawaran 'yung ginawa niya," ani Irish Dizon, pamangkin ni Fortuna.

Tumangging magbigay ng pahayag si Ponce na sinampahan na ng kasong robbery with homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.