Estudyante sa Maynila namatay sa diphtheria: DOH

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 06:20 PM | Updated as of Sep 26 2019 07:27 PM

Watch more in iWantTFC

Kinumpirma ngayong Huwebes ng opisyal mula sa Department of Health (DOH) na diphtheria ang dahilan ng pagkamatay ng isang grade school student sa Maynila.

Sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na diphtheria ang naging sakit at sanhi ng pagpanaw ng isang Grade 4 student sa Jacinto Zamora Elementary School.

Binawian ng buhay ang estudyante noong Biyernes, Setyembre 13.

Nauna nang inihayag ng ahensiya na tinututukan na nito ang pagdami ng mga kaso ng diphtheria sa ilang bahagi ng bansa.

Sa tala ng DOH, 167 na ang kaso ng diphtheria sa bansa mula Enero 1 hanggang Setyembre 7, mas mataas kumpara sa 122 na kaso noong nakaraang taon.

Sa datos na nakuha ng ABS-CBN Investigative and Research Group, 183 ang kabuuang kaso ng diphtheria noong nakaraang taon at 21 porsiyento sa mga ito ang namatay.

Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) at Cagayan Valley ang mga rehiyon na walang naitalang kaso sa buong bansa.

Kabilang sa mga sintomas ng diphtheria ang lagnat, hirap sa paghinga, ubo, at sipon na parang barado ang ilong. Karaniwang natatamaan ng nabanggit na sakit ang mga bata.

Sa panayam ng ABS-CBN News Channel, sinabi ng infectious disease expert na si Dr. Edsel Salvaña na posibleng maraming sakit pa ang maglipana kung hindi magbabago ang pananaw ng publiko sa mga bakuna.

"We're already getting reports of chickenpox, mumps, pertussis. Measles is just the most transmissible, a big indicator that vaccine rates are down," ani Salvaña.

"And we know it’s not just polio, these are all combination vaccines. We already are below the threshold for protection for a lot of diseases," dagdag niya.

Inamin din ni Domingo na kailangan nilang paigtingin ang surveillance system o pagbabantay sa mga sakit, lalo sa mga rehiyon.

Maliban kasi sa pagiging mailap sa bakuna, posibleng ang mahinang pagbabantay din ang dahilan kung bakit nakakapaminsala ang mga sakit sa publiko. 

Nilinaw rin ni Domingo na wala pang kumpirmasyon kung ang mga kaso ng accute flaccid paralysis (AFP) sa Mindanao ay bunsod ng polio.

Pitong kaso ng AFP sa Zamboanga at isa sa Cotabato ang inoobserbahan ngayon.

Nagpaala ang DOH sa mga pampubliko at pribadong ospital na mandato nilang i-report sa kagawaran ang mga kaso ng AFP para agad malaman ang dahilan nito at maagapan sakaling papunta na ito sa polio. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.