Checkpoints sa ibinabiyaheng karne, pinaigting sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 07:33 PM

Tinitiyak ng mga checkpoint na mananatiliing ligtas ang lungsod ng Davao sa African Swine Fever. Handout

DAVAO CITY - Pinaigting ng City Veterinary Office sa tulong ng Task Force Davao ang ginawang inspeksyon sa lahat ng mga baboy at iba pang hayop na dadaan sa tatlong checkpoint papasok sa lungsod na ito.

Para ito masigurong mananatiling ligtas sa African Swine Fever ang lungsod.

Ang lahat ng mga nagdadala ng mga baboy na walang maipakitang permit at veterinary health certificate mula sa labas ng lungsod ay di na pinahintulutang makapasok sa Davao.

“Kailangan talaga dumaan sa quarantine para naman ’yan sa kabutihan ng mga tao at ligtas sila," ani Larry Ancheta, nagbibiyahe ng baboy.

Sa rekord ng Task Force Davao, mula September 20 hanggang 25, aabot sa 771 na baboy ang dumaan sa inspeksyon at 48 sa mga ito ang hindi pinalusot dahil walang permit.

Bukod sa mga baboy, may pansamantalang ban din ang mga karneng baboy at by products nito gaya ng tocino, choriso at iba pa kasunod ng executive order na inilabas ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.