Bata, nakaligtas sa sakmal ng buwaya sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 03:18 PM

Matapos gamutin at tahiin ang sugat sa braso ay pinauwi na rin ang batang nakaligtas sa sakmal ng buwaya sa Balabac, Palawan. Rex Ruta, ABS-CBN News

Nagtamo ng sugat sa kaliwang braso ang 11-anyos bata matapos sakmalin ng buwaya, Miyerkoles ng hapon sa Balabac, Palawan.

Namamangka pauwi si Akirin Baracbac Kutak kasama ang nakatatandang kapatid sa Barangay Salang nang biglang sunggaban siya ng buwaya habang nagsasagwan. 

“Galing sila doon sa kanilang tanim na seaweed. Pagkakagat sa kaniya nahila siya, tumaob yung bangka niya. Noong nakawala siya umalis din yung buwaya. Nagkaroon sila ng pagkakataon ngayon na lumangoy, nakahawak sila sa poste nung mga agar-agar,” paliwanag ni Lt. Nebuchadnezzar Matrio, hepe ng Balabac Municipal Police Station.

Agad dinala ang bata sa Rural Health Unit para gamutin at tahiin ang sugat.

Nakauwi na rin ito sa kanilang tirahan Huwebes ng umaga.

Makailang beses na rin umanong paulit-ulit na pinaalalahanan ang mga nakatira sa mga katubigan na may sightings ng buwaya at huwag nang papaabot ng dilim.

Mas agresibo ang mga buwaya kapag gabi dahil isa itong nocturnal animal.

Mas maigi rin na iwasan ang mga aktibidad na puwedeng bumulabog sa kanilang tirahan.

Ito na ang ikaapat na insidente ng pag-atake ng buwaya sa bayan.

Dalawa sa mga biktima ng mga buwaya ay natagpuang patay sa mangrove area at hindi na kumpleto ang mga katawan.

Muli ring magsasagawa ng pagsosona sa buong Balabac at muling babalikan ang planong gawing crocodile sanctuary ang ilang lugar.

Sa ngayon ay ang kabuhayan ng mga residente ang apektado sakaling alisin sila sa kanilang tinitirhan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.