39 trabahador na Chinese itinakbo sa ospital dahil sa food poisoning

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 06:00 PM

MAYNILA — Isinugod sa pagamutan nitong Huwebes ang aabot sa 39 Chinese national na nagtatrabaho sa itinatayong Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Kawit, Cavite matapos ang hinihinalang food poisoning.

Ayon kay Police Col. William Segun, provincial director ng Cavite police, itinakbo ang mga biktima sa San Juan de Dios Hospital sa Pasay City.

Pawang mga manggagawa ng First Orient International Ventures ang Chinese nationals.

Sa inisyal na imbestigasyon, kumain ng almusal ang mga biktima sa canteen ng kompanya.

Makalipas ang ilang oras, dumaing na ng pananakit ng tiyan ang mga Chinese kaya agad silang itinakbo sa pagamutan.

Inaalam na kung ano ang kinain ng mga biktima at bakit sumakit ang tiyan nila. —Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.