22 sugatan sa pag-araro ng trailer truck sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 06:33 PM

Di bababa sa 20 katao ang nasugatan matapos araruhin ng isang trak ang 3 sasakyan sa sa San Fernando, Pampanga nitong Huwebes.

SAN FERNANDO, Pampanga - Nasugatan ang 22 katao matapos araruhin ng isang trailer truck ang isang bus, pampasaherong jeep at motorsiklo sa lungsod na ito Huwebes.

Ayon sa pulisya, galing ng Dolores intersection flyover ang nasabing trak na papunta sana ng Bataan, nang mawalan ng kontrol ang drayber nito sa Jose Abad Santos Avenue.

“Una niyang tinamaan ’yung bus. Opposite direction siya, lumabas na siya sa kabilang linya. After matamaan ’yung bus, tumama naman siya sa left side ng passenger jeepney, and then ’yung last na natamaan niya yung motorcycle," ani Police Lt. Col. Paul Ynigo Gamido, hepe ng San Fernando City Police.

Matapos tamaan ng trak ang mga nasabing sasakyan, bumangga ito sa isang establisimiyento at doon na tumigil.

Itinakbo kaagad sa ospital ang mga nasugatan, na karamihan ay mga estudyante na sakay ng jeep.

Nakakulong na ang driver ng trak na kinilalang si Christian Apuhin, 29, na tubong Bulacan.

Ayon sa pulisya, posible na mabilis ang takbo ng trak lalo't nakabwelo ito pababa ng flyover. Payo ng mga awtoridad, magdahan-dahan sa pagmamaneho at siguruhing nasa maayos na kondisyon ang katawan bago bumiyahe.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries and damage to properties ang driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.