1 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 05:16 AM

ZAMBOANGA CITY—Patay ang isang lalaki habang sugatan ang kaniyang kaibigan matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin sa Barangay Licomo, Zamboanga City Martes ng hapon.

Dead on arrival sa ospital si Jimmy Huesca habang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan si Bryan Asunio.

Sakay ng kuliglig ang mga biktima nang pagbabarilin ng 2 lalaki na sakay ng motorsiklo pasado alas-5 ng hapon.

Ayon kay Police Maj. Crisanto Yabo, hepe ng Police Station 1, galing ang mga biktima sa Barangay Vitali kung saan inihatid nila ang ilang alagang baboy sa kanilang suki.

Pabalik na sana ang mga ito sa bayan ng Tungawan, Zamboanga Sibugay nang pagbabarilin ng mga salarin gamit ang kalibre .45 na baril.

Away sa negosyo at rido o awayan sa ibang pamilya ang tinitingnang motibo ng mga pulis sa pamamaslang.—Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.