MRT, muling nagkaaberya Miyerkoles ng umaga

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 06:05 AM | Updated as of Sep 26 2018 08:12 AM

MAYNILA - Hindi agad nakabiyahe ang Metro Rail Transit line 3 (MRT-3) matapos magkaaberya nitong Miyerkoles ng umaga.

Mahaba na ang pila sa North Avenue Station nang malaman ng mga pasahero na hindi pa magpapasakay ang MRT-3.

Ayon sa pamunuan ng MRT-3, nagkaroon umano ng aksidente ang mga maintenance vehicles kaninang alas-3 ng madaling-araw.

Nagkabanggaan umano ang mga maintenance vehicles sa gitna ng Buendia Station at Guadalupe Station.

Dagdag ng MRT-3, naayos nila ang problema alas-4:20 ng madaling-araw.

Dahil dito, naantala umano ang paglagay ng mga tren hanggang alas-5:30 ng madaling-araw.

Nagsimulang magpapasok ng mga pasahero sa North Avenue Station alas-6:15 ng umaga. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News