Sara Duterte inalmahan ang nominasyon ni Midas Marquez bilang SC justice

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 09:16 PM

Kinontra ni Davao City Mayor Sara Duterte ang aplikasyon ni Supreme Court (SC) Administrator Jose Midas Marquez para sa posisyong associate justice sa parehong korte.

Sa isang pahayag na inilabas noong Setyembre 19 ng presidential daughter, nanawagan si Duterte sa Malacañang na pag-isipan nang makailang beses ang posibilidad ng pagtatalaga sa isang di niya pinangalanang SC justice aspirant.

Para "magpapansin" daw sa alkalde ay nilalakad diumano ng naturang aplikante na maiurong ang 2011 disbarment case laban sa kaniya kaugnay ng panununtok nito sa isang Davao City court sheriff.

Ang naturang pasaring ni Duterte ay pormal na naungkat nitong Miyerkoles sa public interview ni Marquez sa Judicial and Bar Council (JBC). 

Depensa ni Marquez, mga kaibigan niya ang kumausap sa partidong nagsampa ng disbarment case laban kay Duterte, at walang basbas niya ang mga ginagawa nito.

"There are a lot of well-meaning friends and acquaintances who are offering their help. I would just say 'thank you' without me knowing what they are going to do," paliwanag ni Marquez.

(Marami akong kaibigang may mabuting intensiyon na nag-aalok ng tulong. Nagpapasalamat ako pero may mga bagay silang ginagawa na hindi ko alam.)

Dagdag pa niya, sapat ang kaniyang kalipikasyon at hindi niya kailangang magpasikat sa presidential daughter upang maluklok bilang mahistrado sa SC. 

Susubukang punan ni Marquez ang posisyong binakante ni Samuel Martires na naluklok kamakailan bilang Ombudsman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.