Pulisya may 'nakahandang' piitan sa Camp Crame para kay Trillanes

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 04:40 PM

Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na ikulong sa kanilang custodial center sa Camp Crame si Senador Antonio Trillanes IV sakaling ipag-utos ito ng korte. 

Sina Senador Leila De Lima at dating Senador Bong Revilla ang kasalukuyang nakapiit sa custodial center ng PNP. 

Ayon kay PNP spokesperson Chief Superintendent Benigno Durana, sakaling maglabas ng arrest warrant ang isa pang Makati regional trial court (RTC) ay handa umano silang sumunod sa utos. 

"Depende sa korte kung sino man ang i-commit diyan sa custodial center. I think the custodial center is ready," ani Durana. 

May kasong kudeta, na walang piyansa, si Trillanes na nakabinbin sa Makati RTC Branch 148. 

Martes nang maunang maglabas ng arrest warrant at hold departure order ang Makati RTC branch 150 laban kay Trillanes sa kaso namang rebelyon.

Naaresto si Trillanes ngunit pansamantala ring nakalaya matapos magpiyansa. 

Nabuhay muli ang mga kaso laban kay Trillanes matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation 572 noong Agosto 31 na nagpapawalangbisa sa amnestiyang ipinagkaloob sa senador noong 2011. 

Naghain ng mga mosyon ang Department of Justice (DOJ) sa parehong sangay ng Makati RTC upang mabuhay muli ang mga kaso laban kay Trillanes. 

Tiwala naman si Justice Secretary Menardo Guevarra na magbababa agad ng pasya si Makati RTC Branch 148 judge Andres Soriano ukol sa kasong kudeta ni Trillanes.

Ayon kay Guevarra, Miyerkoles sila magsusumite ng tugon sa dagdag na komento ni Trillanes sa naturang korte. 

Kapag nakapagpasa na ang parehong panig ng kani-kanilang komento, maaari nang ituring na submitted for resolution ang kaso.


—Ulat nina Zhander Cayabyab at Dezter Ganibe, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.