Presyo ng gulay sa Baguio bumaba pero 'matumal' ang benta

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 04:16 PM | Updated as of Sep 26 2018 05:01 PM

Watch more in iWantTFC

Maayos na ang pagbiyahe ng mga gulay mula Benguet kaya't sapat na rin ang supply sa mga palengke ng Baguio, dahilan para bumaba nang husto ang presyuhan nito sa mga pinagdadalhang pamilihan.

Ayon sa mga magsasaka, ito'y matapos maging maganda ang panahon at magbukas ang Halsema highway.

Ang magsasakang si Denver Dominguez mula Buguias, Benguet, maraming naibagsak na gulay sa La Trinidad Trading Post na mga natira umano matapos manalasa ang bagyong Ompong.

Sa Baguio City public market, dahil sa dami ng nag-ani ay malaki na rin ang ibinaba ng presyo ng gulay. 

Presyo ng gulay sa palengke:

  • Repolyo → P50-P60/kilo (mula P70-P80 noong Martes) 
  • Pechay → P60-P80/kilo (mula P80-P90 noong Martes) 
  • Radish → P60/kilo (mula P80 noong Martes) 
  • Carrots → P90-P120/kilo (mula P130-P150 noong Martes) 
  • Sili → P150-P200/kilo (mula P220 noong Martes) 
  • Broccoli → P100/kilo (mula P160 noong Martes) 
  • Lettuce → P130-P150/kilo (mula P260-P270 noong Martes) 

Ang problema naman ng mga tindera, wala gaanong bumibili.

"Sa tingin ko walang nai-schedule na mga seminars dito sa Baguio ngayon kasi nakita niyo mula umaga hanggang ngayon, walang dumadaan, walang naglalakad," ani Manuela Cruz, presidente ng vegetables section ng naturang palengke.

Kampante naman ang mga tindera na hindi agad-agad tataas ang presyo ng gulay.

Anila, kahit hindi panahon ng anihan sa Benguet, may mga gulay pa rin na manggagaling sa ibang parte ng Cordillera.

Tiniyak din ng provincial government ng Benguet na sapat pa rin ang supply ng gulay sa kabila ng pinsala ni Ompong.

"Meron namang hindi nasasagi [ng bagyo]. So parts ng Benguet like in Mankayan, parts of Buguias, medyo hindi dinaanan so sila 'yung nakapag-deliver ngayon. So hindi naman totally na parang binaha na lahat," ani Benguet Gov. Crescencio Pacalso. —Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.