Miyembro ng CAFGU, patay sa pamamaril sa Negros Oriental

Barbara Mijares, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 12:26 AM

Patay ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos pagbabarilin sa Guihulngan City, Negros Oriental nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rodolfo Yucaran, 27. Nanganak ang asawa nito kaya’t umuwi sa lungsod mula sa La Carlota City, Negros Occidental kung saan sumailalim siya sa isang refresher course.

Inako ng rebeldeng New People's Army (NPA) Leonardo Panaligan Command ang responsibilidad sa pagpatay kay Yucaran.

Sa pahayag na ipinadala ng spokesperson ng grupo na si Ka JB Regalado, may kinalaman umano si Yucaran sa pagpatay sa isang mag-asawa sa Barangay Tacpao noong 2015. 

Dahil sa sunod-sunod na pananambang sa lungsod, nagdagdag na ng tropa ang pulisya at militar sa lugar. 

Ayun kay Supt. Mario Baquiran, hepe ng Guihulngan City Police, 70 ang idineploy mula sa Provincial Mobile Force, 115 naman mula sa Regional Public Safety Battalion, at dalawang platoon naman mula sa 94th Infantry Battalion.

Pagtuunan nila ng pansin ang seguridad sa mga malalayong barangay ng lungsod.

“Kung mapansin ninyo halos lahat ng shooting incidents namin sa mga upland barangays na namin. Yun yung ina-address na rin namin. And then nag-request ako kay mayor na makipagpulong sa mga barangay officials, lahat ng mga barangay officials ng Guihulngan City," ani Baquiran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.