Mga 'kontraktuwal' nagbakasakali sa 8,000 trabahong alok ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 8,000 trabaho sa iba't ibang sangay ng gobyerno ang inalok sa mga aplikante sa unang araw ng job fair na inorganisa ng Civil Service Commission (CSC), at karamihan sa mga nagbakasakali, mga contractual worker na target maging regular sa trabaho.

Isa na rito si Jason Galleto, na pagbukas pa lang ng registration sa job fair ay agad-agad pumila.

Kuwento niya sa ABS-CBN News, pursigido siyang makakuha ng trabaho sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). 

Sa kaniyang dating trabaho kasi sa isang security agency, contractual lang siya kaya target niya ngayon ang ma-regular sa isang ahensiya ng gobyerno. 

"Every 6 (months) o 1 year kailangan mag-renew ng kontrata. Sa BJMP naman, iba po 'yung benefits. Hindi nawawala ang benepisyo ng government eh...Kailangan ko kasi ng mas maganda pang opportunity," ani Galleto. 

Katulad ni Galleto, karamihan sa mga nagtungo sa job fair ay mga dati at kasalukuyang kontraktuwal sa mga pribadong kompanya. 
    
Si Michael John Aguirre, lumuwas pa mula Binangonan, Rizal patungong SM North-EDSA sa Quezon City para lang magbakasakali. 

"Pag na-regular ako, lifetime job siya, at magkakaroon ako ng magandang future," aniya.

Sa kasamaang palad, wala namang hired-on-the-spot dahil kailangan pang i-assess ang qualification ng mga aplikante.

"Ang may pinakamaraming job vacancies ay sa BJMP, and then pati Philippine Heart Center, about 400 [openings] eh. Tapos DepEd (Department of Education)," ani CSC Chairperson Alicia dela Rosa-Bala.

'Kontraktuwalisasyon laganap din sa gobyerno'

Pero hindi lang sa mga pribadong kompanya marami ang mga contract of service (COS) workers.

Noong isang linggo lang, mismong ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang umamin na may mga kontraktuwal din silang empleyado.

Sa lokal na pamahalaan ng Quezon City naman, 5,000 sa 8,000 government employees ang contractual.

Sa joint circular ng CSC, Commission on Audit, at Department of Budget and Management, hanggang sa Disyembre 31 lang renewed ang mga contractual worker dahil sa 2019 ay malilipat na sila sa mga manpower agency.

"At the end of the year, we will have to look for a win-win situation where we can still survive as a government bureaucracy with the services of COS employees, at the same time, comply to the circular of the national government," ani Quezon City Administrator Aldrin Cuña.

Isa sa mga ginagawa na ng lokal na pamahalaan ng QC ay ang i-regular ang mga qualified na contractual worker, katulad ni Ryan Gogorza na higit dalawang taon nang administrative staff.

"Pina-process na, for regularization na ako, kino-comply ko na lang ang requirements," ani Gogorza.

Sabi ng QC, pag-aaralan nilang mabuti ang kanilang bawat hakbang lalo't hanapbuhay ng tao ang pinag-uusapan.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.