Mga kaanak ng mga pumanaw sa Itogon landslide, sasailalim sa debriefing

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 01:59 PM

Sisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang psychological debriefing sa mga kaanak ng nasawi at mga biktima ng landslide sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet.

Dahil nasa search and retrieval stage na, nagbawas na rin ng mga tauhan ang Office of Civil Defense (OCD). Mula sa higit 1,000 ay nasa 160 na lamang ngayon ang naghahanap sa mga nawawala.

Misyon ng search and retrieval team ngayong Miyerkoles ng umaga na magalugad ang loob ng tunnel.

Pero hindi umano ito magiging madali dahil may banta na baka magkaroon ng pagguho sa tunnel.

Pinaplano na rin ng local government unit (LGU) ang paghahanap ng malilipatan o relocation site para sa mga residenteng nasa danger zone.

Pero dahil wala na umanong espasyo sa Itogon dahil puro bundok, posibleng sa labas ng bayan na humanap ng relokasyon ang LGU.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.