Lolo patay sa pananaga ng misis

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 06:40 PM | Updated as of Sep 26 2018 07:36 PM

DIADI, Nueva Vizcaya —Patay ang 64-anyos na lolo sa bayang ito matapos pagtatagain ng kaniyang misis noong Lunes.

Ayon kay Senior Inspector Odlanyer Endrinal, hepe ng Diadi Police, kinabukasan pa nakarating sa kanilang kaalaman ang insidente. Pero nang kanilang respondehan ay nadatnan pa nilang duguan sa kanilang bahay ang biktima.

Kusang sumuko naman ang asawa ng biktima na umamin sa kaniyang kasalanan. Pero giit nito, nagdilim umano ang kaniyang paningin nang pukpukin siya ng baril sa ulo at pagbantaan ng kaniyang mister.

“Sinabi niya kasi na babarilin kaming mag-iina kaya nag-iba ang pag-iisip ko at hindi ko na alam ang aking nagawa," sabi ng suspek sa salitang ilokano.

Nagtamo siya ng bukol sa noo dahil sa ginawa ng kaniyang mister.

Kwento pa niya, 2005 nang magsimula silang magsama matapos ang una nilang naging relasyon. Nagkakaroon daw sila ng mga pagtatalo, pero ngayon lang nauwi sa pananakit.

Hindi naman makapaniwala ang anak ng biktima sa ginawa ng kanilang stepmother.

“Mahirap na patawarin dahil ganun ang ginawa niya kay Tatay,” sabi ng anak.

Narekober ang itak na nagamit sa krimen, gayundin ang kalibre .22 na baril umano ng biktima.

Nasampahan na rin ng reklamong parricide ang suspek.

Sa datos ng Police Regional Office 2, patuloy ang paglaganap ng violence against women. Katunayan, simula noong Linggo ay may apat nang nagreklamo sa Cagayan. Isa sa mga biktima na taga-Cagayan ay nagtamo ng second degree burn matapos buhusan ng mainit na tubig ng kaniyang mister sa kanilang pagtatalo.

Pero ayon sa isang social worker, may mga ilang unreported cases o hindi na talaga nagsusumbong ang mga biktima dahil sa iba’t ibang rason, pangunahin na ang takot.

“Magsumbong agad para mabigyan ng intervention. Pwede kasing magdulot ng mental health problem kapag napabayaan ang pang-aabuso,” ayon kay Milagros Cabacungan na Municipal Social Welfare and Development Officer.

Mas pag-iigtingin ng awtoridad ang kampanya para maiwasan ang paglaganap ng mga ganitong insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.