Lalaki, patay sa pananaga sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 05:25 PM

Pinagtataga ng suspek ang biktima na nanguha ng punongkahoy para pangkumpuni sa bahay na nasalanta ng bagyong Ompong sa bayan ng Gonzaga sa Cagayan. Larawan mula sa Gonzala Police Station.

GONZAGA, Cagayan - Patay ang isang magsasaka matapos siyang pagtatagain ng kaanak, Lunes ng hapon.

Sa imbestigasyon, namutol umano si Pedrito Icasiano ng punongkahoy sa bahagi ng bundok na pag-aari ng kanilang angkan.

Gagamitin niya ang kahoy sa pagpapakumpuni ng bahay na napinsala ng bagyong Ompong.

Pauwi na sana ang 38-anyos na biktima nang biglang dumating ang kaanak na si Elmer Medrano.

Ayon kay Senior Police Officer 3 Froilan Farinas, nagpapakilalang tagapag-alaga ng puno si Medrano kaya sinita nito si Icasiano.

Humantong ang dalawa sa pagtatalo matapos na hindi magustuhan ni Medrano ang tugon sa kaniya ni Icasiano.

“Sumagot itong biktima sa Ilokano na sinasabi niyang sakim ang suspek dahil hindi naman daw nito pag-aari ang puno,” ayon kay SPO3 Farinas.

Sa kalagitnaan ng pagtatalo, bumunot ng itak ang suspek saka pinagtataga ang biktima na agad namatay.

Nagtangka pa ang suspek na tumakas pero nasakote rin siya ng mga pulis.

Sinampahan na ng kasong homicide ang suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.