Lalaki, natagpuang patay sa loob ng SUV sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 04:45 AM

MAYNILA - Natagpuang patay ang isang lalaki sa isang inabandonang SUV sa Vatican St., Barangay Talon Dos, Las Piñas City.

Wala pang pagkakakilanlan ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa ulo. Nakasuot ito ng asul na T-shirt at maong na pantalon.

Ayon sa nakakita, napadaan lang siya sa lugar nang makitang nakahandusay ang lalaki sa front passenger seat ng Mitsubishi Montero na may plate number na UOA-550.

Base sa kuha ng CCTV, ipinarada ang SUV sa lugar Lunes ng gabi.

May bumaba na isang lalaki na naka-sombrero at naglakad palayo sa sasakyan bandang alas-11:30 ng gabi.

Sa loob ng SUV, narekober ang isang bag na naglalaman ng cellphone at wallet.

Ayon kay Chief Insp. Joel Gomez ng Las Piñas City police, may isang pakete rin ng hinihinalang shabu ang nakuha sa sasakyan.

Palaisipan pa sa pulisya kung ano ang motibo sa pamamaslang. Inaalam pa rin nila ang pagkakakilanlan ng lalaking huling nakita sa crime scene. - ulat nina Lady Vicencio at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.