Laborer patay, 1 pa sugatan sa pamamaril sa Quezon

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 08:58 PM

Patay ang isang laborer habang sugatan naman ang kasamahan nito nang pagbabarilin sa bahagi ng Barangay Pury sa bayan ng San Antonio, Quezon Martes ng umaga.

Sakay ng tricycle ang grupo ni alyas Norbin nang mangyari ang pamamaril. Bigla na lamang umanong nag-overtake sa kanila ang mga salarin na sakay ng motorsiklo at nagpaputok ng baril.

Patay sa insidente si Argie Herrera, 31, habang nagtamo naman ng tama ng bala sa tuhod at tiyan si Norbin.

Wala naman umanong tala sa pulisya ang mga biktima at ayon sa pamilya ni Herrera, wala itong kaaway kahit na aminado silang maiinitin ang ulo nito.

Dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril ang nakuha sa crime scene.

Ayon sa kaanak ni Herrera, may dalawang lalaking nagpunta sa kanilang bahay dalawang linggo bago ang insidente. Hindi natukoy kung ano ang pakay ng mga ito.

Humihingi ng hustisya ang mga kaanak ni Herrera.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.