Japanese weather experts, Pinoy specialist, papunta sa mata ng bagyong Paeng

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 04:20 PM

Tumulak papunta sa lokasyon ng bagyong Paeng ang mga Japanese weather experts kasama ang isang Pilipinong science research specialist Miyerkoles para malaman kung gaano ito kalakas.

Mula Clark International Airport sa Pampanga, lumipad ang grupo papunta sa kasalukuyang lokasyon ng bagyo. Kukuha sila ng image at maghuhulog ng dropsonde devices sa mata ng bagyo.

Ang dropsonde ay isang instrumento na kayang sukatin ang lakas ng bagyo at iba pang mga katangian nito. 

"We want to measure the detailed condition of the typhoons using the dropsonde, which measures the temperature, pressure and humidity," paliwanag ni Professor Kazuhisa Tsuboki ng Nagoya University.

Dagdag nila, hindi sapat ang satellite data para malaman ang lakas ng isang bagyo.

"The typhoon is a big cause of disasters both in Japan and also [the] Philippines. So intensity prediction is very important. It is important to accurately estimate the current intensity for disaster prevention. This will benefit not only Japan but also [the] Philippines," ani Professor Yukihiro Takahashi ng Hokkaido University.

Parehong makikinabang ang bansang Japan at Pilipinas sa proyektong ito, lalo na't madalas na dinadaanan ng bagyo ang dalawang bansa.

Ito ang unang beses na gagawin ang ganitong proyekto sa bansa. May kamahalan rin ang pagsasagawa ng ganitong klaseng pag-aaral.

Ang senior science research specialist na si Jay Samuel Combinido ang kauna-unahang Filipino na makakasama sa pananaliksik na ito.

"Sa ngayon wala, kasi medyo expensive itong ganitong klaseng measurement. In fact, US na lang ang gumagawa ng ganito regularly. Itong measurement na ito is very crucial kasi ito talaga 'yung magme-measure ng actual intensity ng isang bagyo. And kapag malaman natin 'yun, malaki maitutulong nito sa forecasting," paliwanag niya.

Didiretso sa Japan ang aircraft na gagamitin sa paglapit sa bagyong Paeng, at bukas babalik sa bansa si Combinido para ibahagi ang naging resulta ng obserbasyon.

Ipapadala rin sa Pilipinas ang mga datos na nakuha sa pag-aaral.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.