'Isinara' na kaso ni Trillanes, maaari bang balikan?

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 04:53 PM | Updated as of Sep 26 2018 05:18 PM

Watch more in iWantTFC

Nagpalabas ang Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 ng warrant of arrest at hold departure order (HDO) nitong Martes laban kay Senador Antonio Trillanes IV dahil sa kasong rebelyon. 

Pero katuwiran ng kampo ni Trillanes, hindi na daw puwedeng buksan na muli ang kaso dahil dismissed na ito, o nabigyan na ng hatol ang nasasakdal. Ito ay ang karapatan ng mga mamamayan mula sa paulit-ulit na pagsasakdal, base sa principle of double jeopardy.

Pero ayon kay Atty. Claire Castro, maaari pa ring buksan ang ilang kasong na-dismiss na sa ilalim ng ilang kondisyon.

Maaari ring maghain ang nasasakdal ng petisyon para sa provisional o pansamantalang pag-dismiss ng kaso sa mga pagkakataong hindi nagpapakita ang complainant sa korte. 

Nakasaad din sa rules of court na maaaring buksan ang mga isinara nang kaso na hawak ng regional trial court hanggang sa dalawang taon matapos ito isara o i-dismiss; sa mga metropolitan o judicial trial courts naman, maaaring buksan ang mga kaso hanggang sa isang taon matapos ang dismissal nito.

Sa kaso ni Trillanes, ani Castro, maaari pa rin itong buksan kung susundan ang katuwiran ng korte na hindi naman umano nabigay ni Trillanes ang tamang requirements para mabigyan ng amnestiya. 

Dagdag niya, wala ring umanong “final judgement” pagdating sa kaso ni Trillanes, na basehan ng korte para muli itong buksan at na-dismiss lamang ang kaniyang kaso dahil sa amnestiyang ibinigay sa kaniya, na humahawak ng “final judgement” ng kaso. 

“Puwede mong i-open without the finality of the judgement… Bakit pwedeng i-reopen? Kasi sinasabi nila na wala naging valid na amnesty in relation to Senator Trillanes… Ang naging technicality lang dito is hindi nagkaroon ng amnesty in favor of him dahil hindi makita 'yung application na ginawa niya,” paliwanag ni Castro sa "Usapang de Campanilla" nitong Martes. 

"So parang lumalabas na hindi ka dapat qualified for the amnesty. So kung hindi ka qualified for the amnesty, hindi dapat na-dismiss 'yung kaso mo, kaya na-reopen," dagdag niya. 

Matatandaan na noong Setyembre 4 isinapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasawalangbisa ng amnestiya ni Trillanes sa bisa ng Proklamasyon 572. 

Katuwiran ng proklamasyon na hindi umano naghain ng opisyal na amnesty application form at hindi umamin ang senador sa kaniyang papel sa Oakwood Mutiny noong 2003 at Manila Peninsula siege noong 2007 kaya walang bisa ang amnestiyang ipinagkaloob sa kaniya ni dating Pangulong Benigno Aquino III. 

Kinatuwiran din ng DOJ na sa bisa ng nasabing proklamasyon, maaari nang umusad ang mga naunang kaso ni Trillanes kaya naghain sila ng ex omnibus motion for alias warrant at hold departure order laban sa Senado. 

Matapos ang paglabas ng warrant at HDO, nakapagpiyansa rin si Trillanes sa halagang P200,000 matapos siyang dalhin sa Makati City police nitong Martes para sumailalim sa booking procedure. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.