Ebidensiya sa reklamong bomb joke vs blogger inihahanda

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 04:18 PM

Nilinaw ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi "ni-reject" ng Department of Justice ang reklamong inihain nila laban sa blogger na si Drew Olivar kaugnay ng pagpo-post nito ng bomb scare sa social media. 

Ayon kay NCRPO chief Director Guillermo Eleazar, ibinalik lang ng DOJ ang reklamo sa kanila para sa karagdagang ebidensiya na magpapatibay pa sa reklamo laban kay Olivar.

Dagdag ni Eleazar, kabilang sa isusumite ng kanilang hanay sa DOJ ay ang internet protocol address ng bomb scare post ni Olivar.

Paliwanag ni Eleazar na bagama't nag-sorry at binura na ni Olivar ang post, may mga paraan ang Philippine National Police anti-cybercrime group na masertipikahan na ginawa nga ng blogger ang malisyosong internet post.

Aniya, walang magiging VIP treatment sa reklamong isasampa laban kay Olivar na may kinalaman sa paglabag sa cybercrime law at anti-bomb joke law o Presidential Decree 1727.

Si Olivar ay nasangkot din kamakailan sa kontrobersiyal na "pepedederalismo" jingle na nag-viral at umani ng mga batikos.

Nakatanggap din ang blogger ng batikos sa umano'y panloloko sa mga taong may kapansanan sa pandinig.

—Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.